ThePhilippinesTime

[EDITORIAL] Ang katunggali sa kabilang ibayo

2026-03-09 - 08:34

Dati’y palaisipan bakit laging nakaabang ang mga Chinese vessels kapag nagsasagawa ng Rotation and Resupply missions o RORE ang Philippine Coast Guard at Navy sa West Philippine Sea. Ang assumption natin noon, gumagamit ang mga Tsino ng high-tech satellite surveillance. Ngayon alam na natin ang susi sa liksi ng mga Chinese sa karagatan natin. Ayon sa exclusive report ng Rappler, may tatlong low-level analysts at researcher mula sa Department of National Defense, Philippine Navy, and Coast Guard na nagpasa ng mga confidential na dokumento sa mga handlers na, it turns out, ay Chinese pala. (BASAHIN. Part 1: Chinese operation taps Filipinos to access top security info, Part 2: Threats within: Filipino spies in denial, Part 3: The price of stealing Philippines’ top security secrets) Pumeprente ang mga Chinese handlers na nagtatrabaho sila sa isang start-up research o consultancy firm at nagrerekluta sila ng analysts. Pero internal documents pala ng relasyong US-Pilipinas at galawan sa West Philippine Sea ang pakay nila, lalo na ang RORE sa West Philippine Sea. Hindi na ito theoretical risk; isang sophisticated na operasyon na ang natuklasan ng mga awtoridad. Ang problema, nilalabanan natin ang isang 21st century threat gamit ang 20th century tools. Wala tayong modernong anti-espionage na mga batas — ang iba’y panahon pa ng Commonwealth. At kung pagbabatayan ang kuwento sa Rappler ng mga nahuling analysts, tila kulang na kulang ang nakalatag na safeguards sa defense institutions na ito. Halimbawa, paanong nagkaroon ng access sa mga dokumento at nakapagbukas ng official emails ang isang taong hindi naman empleyado? Sa panahong laganap ang digital tools at madali ang transmission ng data, ibang antas ng pagbabantay ang kailangan upang mapigilan ang mga leak ng state secrets. Ang tanong natin sa mga defense officials, gaano kaligtas ang mga sikreto natin? Kung may mga low-level na nasilaw sa barya-barya, hindi kaya meron ding high-level na kakagat sa malaking perang alok ng malign operators? At kumusta naman ang security safeguards laban sa hacking at cyber attacks? Malinaw na kagyat ang pangangailangan ng agarang modernization ng security systems and SOPs ng gobyerno ng Pilipinas, maliban sa mga batas. Mayroong ang clear and present danger. Malinaw na matinik ang kalaban na gumagamit ng social media scanning at psychological manipulation upang matukoy at ma-exploit ang mga bulnerableng defense personnel. Kailangang mabilis na maka-transition ang Pilipinas mula sa archaic laws and systems patungo sa isang proactive counterintelligence framework. And we don’t mean a spending spree of confidential funds. Sabi ng National Security Council, problem solved, “addressed and terminated” na raw ang operasyon ng spy network. Pasensiya na, mga Sir, we won’t take your word for it. Habang alam naming hindi puwedeng i-discuss ang mga detalye, mapapanatag ang aming loob kung may institutional upgrade sa gamit, training, protocols, monitoring, at surveillance. Ito’y generational, existential threat sa Pilipinas na outgunned at outmanned sa larangan ng espionage. Let’s step up to the plate, gentlemen. – Rappler.com

Share this post: