[OPINYON] Do you hear the people sing?
2026-02-25 - 00:03
Ngayon ko lang napanood ang musikal na Les Miserables. Ngayon lang din nakanood sa magarang teatrong nása loob ng resort-casino sa Parañaque. At nang naroon na, medyo hindi ko maiwasang mapansin ang rangya nito. Di ko maiwasang maramdaman na hindi dapat ako naglalagi sa ganitong mga lugar sa harap ng paghihirap na dinadanas ng bayan ko. Dala ko ang umiigting na sakit sa dibdib pagpasok sa teatro. Sinabi ko na lang sa sarili na narito ako para panoorin ang nabasang aklat ni Hugo noong mas bata-bata pa ako. Narito ako kasama ang mga mahal ko sa búhay para lubusin ang sining. Bihira nga naman ang ganitong pagkakataon na magkasama-sama kami. Kayâ nilubos ko ang panonood. Namangha sa malupit na lighting system ng teatro. Sa husay ng mga artista sa pagpukaw at pagsalakay nila sa aking emosyon. Humanga ako sa stamina ng mga artista at crew. Sa kakayahang magbato at payanigin ang teatro. Sa laro ng liwanag at dilim. Kahit naman dito sa Filipinas sikát na ang mga kanta ng Les Mis. Ang totoo nga, ilang beses nauulit sa mga rally ang salin ng linyang ito: Do you hear the people sing? Di ’nyo ba naririnig ang tinig ng bayan na galít? Ganoon ang paigting na paigting na nararamdaman ko habang nanonood. Naglalaban ang pakiramdam ko ng gálit sa natutunghayang kawalang-katarungan sa musikal habang naiinis rin sa pribilehiyo na makapanood sa magarang teatro. Bumababad ako sa nangyaring rebelyon sa France noong siglo 19 habang patuloy na nalulugmok ang bayan sa katiwalian at paghihirap. Hinahanap ko rin ngayon ang akmang salita para sa kakayahan ng sining na linisin at pasariwain ang ating kalooban. Sa Griego, katarsis ang tawag nila rito. Paglilinis ng kalooban? Pagpapakawala? Minsan, tinatanggap ko rin bilang tagasalin na may mga umiiral na bagay sa ibang kultura na mahirap isalin. At ang magagawa mo na lang ay unawain at hayaang mamulaklak ang mga ito sa sarili mong wika. Bakâ nga naroon ang nais itawid ng Les Mis. Alam na nating may ugnayan ang naging paghihirap ng mga naghimagsik na Pranses sa nangyari at nangyayari sa atin. Pero matapos iyon, ano na ang dapat gawin? Siyempre magpaparetrato sa backdrop ng Les Mis. Pupunuin din ang souvenir shop. Tapos tiyak ang ilan ay magtutungo na sa mga pasosyal na kainan. Bakâ may mga magka-casino pa. Ayoko namang lahatin, pero tiyak ako na may mga nanood din na umuwing may nabago sa kanila. Na hindi lang sapat ang ipamukha sa iba na nanood sila ng imported na musikal na ito. Na kabisado nila ang liriks. O mas nag-enjoy sila sa produksiyon ng Broadway. May nabago sa kanila. At may gusto silang gawin. Alam ’nyo na ang gagawin. Gaya ng mga French, nasa lansangan ang tanghalan. Pero ang masasabi ko lang, kung nag-enjoy ka sa Les Mis, manood ka rin sana ng mga produksiyon ng mga kababayan natin. Sadyain mo ang mga gawa ng Tanghalang Pilipino, Dulaang UP, PETA, Tanghalang Ateneo, Teatro Tomasino, at marami pang iba. Pagkakataon ang Buwan ng Sining ngayong Pebrero para sadyain mo sila. May Buwan ng Panitikan din táyo sa Abril. Basta anumang tangkilik. Siya nga pala, nang matapos ang musikal nais ko sanang isigaw ito sa teatro at tingnan kung may sasabay sa akin: Do you hear the people sing? Ikulong na ’yan, mga kurakot! Pakiramdam ko iyon ang manipestasyon ng katarsis ko. Pero sa susunod bakâ gawin ko na. Sorry ka na lang, pardon, Jean Valjean. – Rappler.com Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Isa siyang manggagawang pangkultura.