[TAMBAY] Ingay ng sirena at ambisyon ni Sara
2026-03-01 - 02:03
Marso na pala, ang bilis ng mga araw! Ito ang bati sa akin ng isang kapwa kong tambay kamakalawá. Dagdag pa niya, totoo talaga ang kasabihang “Time flies when you’re having fun.” Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas sa 2026, nagkaroon na ng paboritong pag-usapan kaming mga taga-Mandaluyong. Bagamá’t hindi yata tamang tawagin “paborito” ang topic na ito. Pero hindi lang sa umpukan naming mga nagmamarunong sa barangay naging “hot topic” ito. Maging sa iba-ibang grupong iniikután ko rito sa aming lungsód, lumalabas ang paksang ito. “Parang ang dalás ng sunog dito sa atin?” Halos laging ‘yan ang pambungad na linyang susundan ng umaatikabong kuwentúhan ng mga taga-Mandaluyong. At pagkasabing-pagkasabi niyan, ang siguradong tugon ay mga lábis-lábis na pagsang-áyon na may kasabay na pagtaas-baba ng mga ulo. Walang tumutútol. Marahil, tulad ko, meron na rin silang parang mala-PTSD (post-traumatic stress disorder) na sintomas. Kasi minsan, kahit nasa bahay lang ako, kapag marinig ko ang malayong alingawngáw ng mga sirena ng trak ng mga bombéro o mámamátay-súnog, biglang mababagábag ako at lalakas ang kabóg sa aking dibdib. Ang papasok sa isipan ko, “Utang na loob, sunog na naman?!” Napapraníng na ba kami? Maaari. Pero para makasigurado, nagtanong ako sa Google Gemini (‘yung AI tool ng search engine). Nanghingi ako kay Gemini ng listahan ng mga sunog na naganap sa Mandaluyong noong 2025 hanggang ngayong taon. Ayon sa nahalúkay ng Gemini na impormasyón na galing sa Bureau of Fire Protection (BFP), “there were at least five major fire incidents” sa Mandaluyong noong 2025, at dalawa na ngayong 2026. Binansagan ng Gemini na “fire magnet” ang Barangay Addition Hills dito sa amin dahil sa mga sumiklab dito noong Disyembre 12 at 27, 2025, saka Enero 19 at Pebrero 11, 2026. Dagdag pa ng Gemini, hindi na nito dinetalye ang tatlong “pocket fires” na nagliyab din sa Addition Hills. Unang araw ngayon ng Marso, Fire Prevention Month. Ito ang panahon na mas dumarami ang insidénte ng mga sunog sa Pilipinas. Nung mapagtantô ito sa umpukan, nagtanong kami sa isa’t isa: Ano, kakaba-kaba ka ba? Sa ibang lugar kaya sa ‘Pinas mainit din ang isyu ng sunog? Kung mayroóng man na masasabing pampalubag-loob sa mga serye ng sunog sa amin sa Mandaluyong ay ang pagiging ensayado ng mga bombéro o mámamátay-súnog na taga-Mandaluyong. Tumaas ang antas ng kanilang abilidad, palibhasa marami silang praktis. Women’s Month din ang Marso, at maraming isyung pang-kababaihan ang matatalakay. Pero ang Pinay na nasa sentro ng mga usap-usapan ay ang nag-aambisyong maging pangulo ng Pilipinas na si Vice President Sara Duterte. Sa 2028 pa ang halalang pambansa, pero nung Pebrero 18 isinapubliko na ni VP Sara ang kanyang planong tumakbo sa pagkapangulo. Matagal nang alam ng marami ang ambisyong ito ni VP. Hindi naman lihim na matagal nang nakatitig si Vice President sa posisyon ng pangulo. Pagkasabing-pagkasabi ni Duterte, naglipanà ang mga hakà-hakà kung bakit ang aga niya ianunsiyo ang kanyang pinakaminimithing posisyón. Para sa tambay na ito, ang pag-anunsiyo ni VP Sara ay mistulang pahintulot na makaliskisan siya nang husto. Binuksan na niya ang pinto para maaari na nating kalkalin ang kanyang kabuoán. At may mahabang panahon tayong mga karaniwang botante na suyúrin ang lagay ng kanyang pagkatao at kung paano tumatakbo ang kanyang pag-iisip. At nararapat lang na gamitan ng pínong suyod at maliwanag na spotlight ang pagsusuri. Iniaalok ni VP Sara na magtiwala tayo sa kanya na maging lider ng bayan ng daang-milyong Filipino sa loob ng anim na taon. Seryosong usapin ‘yan. Pambansang isyu na ‘yan. Hindi na Davao City lang ‘yan. Hindi lang mga-taga Davao ang pamumunuan — buong sambayanang Filipino na ito. Karapat-dapat ka ba, Madam VP? Karapat-dapat ba ang iba pang mag-aambisyon? Lider sa loob ng anim taon ang kailangan namin. Mahalagang tanungin din si VP: Pareho ba ng mga patakaran ng tatay mo ang iyong paiiralin? Babalik ba ang pagmumura sa mga talumpati? Bubuhayin mo ba ulit ang China pivot? Hindi na puwede ‘yung estilo mong paiwas-iwas. Humarap ka sa mga hamon ng debate. Sagutin mo nang tuwiran ang mga bintang sa iyo, hindi ‘yung puro deny-deny ka lang at sasabihing politika lang ang mga ‘yan. Respetuhin ninyo — ikaw at ng pamilya mo — ang mga botanteng Pilipino. Hindi kami naghahanap ng perpektong kandidato, pero “deserve” namin — lalo na ng mga pinakahikahós na Filipino — ang lider na mabibigyan kami ng dignidad. Harapin mo, VP Sara, ‘yung reklamong impeachment sa iyo. Malaking tulong sa ambisyon mo ang maipaliwanag ang mga bintang sa iyo. Itigil mo ang palusot na politika lang ang mga bintang sa impeachment. Saan napunta ‘yung daang-milyong piso ang kailangan ipaliwanag. ‘Ika nga nung sinasabi nila nung panahon ng tokhang sa ilalim ng tatay mo: Kung wala kang kasalanan, wala kang dapat ikatakot. – Rappler.com Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.